Saturday, 10 November 2012

Defense of the Ancients

Takbong-lakad.

Nagmamadali.

Sa ika-sampung computer shop,

"'To na dapat ang huli."


Pawis na pawis,
Sa pagod ay baon.
Sa tonong tuyo't sa pasensya,
dagliang nagtanong.

Salamat hindi na
pinataas aking altapresyon
sapagkat magandang balita
ang kanyang tugon.

Colored ink,
sila'y mayroon!

Matapos silipin
dokumentong ii-imprenta,
"Hihintayin niyo po ba,
o babalikan na lamang?"

Kunwari'y nag-isip.
Nais ko'y magpahinga
kaya
"Hihintayin ko na lamang."

Ilang beses umikot
kamay ni Ginoong Orasan.
Bawat tanaw sa kanya,
si Inip nagbabadya.

Hanggang sa may pumasok
payat na binata.
Kapansin-pansin,
mga labing pulang-pula.

Kung umasta'y
'sang dalagitang suplada
na tinapunan ang mukha
ng pulbos na luma

"Dalawang oras po, kuya!"
Nakakagulantang niyang salita.
Dumikit aking mga mata
sa nagpapakadalaga.

Tamang-tama,
kay Inip, paalam na.

"Marahil, magfe-facebook siya
mga gwapo'y hanap niya.

Kung hindi naman, magpo-post siya
ng mga litratong ipapahusga."

Iyan ang nagmamatalino
at walang pasintabi kong teorya.

Matapos okupahan
pula ring salumpwet,
ibinaba ang mga gamit
at nagsuot ng headest.

Tila matindi
inihandang konsentrasyon.
Mga daliring bayolente
hampas dito, hampas do'n

Ginuhit na mga kilay
ay pinagsalubong.
Mga labing gigil,
pait ang umuusbong.

Ilang minuto ang lumipas,
hindi ako nakatiis.
Dahan-dahang tumayo
at marahan lumapit.
Sa nagpapakadalagang
may pantalong pitis,
tumaas ang isa kong kilay
at sa sarili'y nanliit.

Ang dala-dalagahang hinusgahang pilit
Sa larong DotA (Defense of the Ancients) naaakit...


Photo credit: http://www.freewebs.com/dota-stk/

No comments:

Post a Comment